DAVAO CITY – Patay ang isang guro matapos itong barilin ng hindi pa nakikilang suspek sa lalawigan ng Davao del Sur.

Kinilala ang biktima na si Felipe Capisos Niemis Jr., 52, naninirahan sa Barangay Zone 2, Digos City at isang Senior High School (SHS) teacher.

Base sa report ng Sta. Cruz Municipal Police Station, sakay ang biktima ng isang tricycle nang bigla itong nilapitan ng isang hindi pa nakikilalang tao at binaril dahilan ng pagkamatay nito.

Sinabi din ng tricycle driver na si Marvin Jamunan na magpapahatid sana sa kanya si Niemes papuntang Sta. Cruz Integrated Bus Terminal nang mangyari ang hindi inaasahang krimen.

Inakala ng driver na sumabog lamang ang gulong ng kanyang tricycle ngunit nang lingunin niya ang guro ay puno na ito ng dugo at wala nang buhay.

Nakuha ng pulisya mula sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang isang basyo ng bala ng .45 kalibre na armas.

Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang motibo ng pamamaril sa nasabing guro.