-- Advertisements --

Binigyang diin ng Korte Suprema na ang pagtatago sa tunay na sekswalidad katulad ng pagiging ‘homosexual’ ay maaring gamitin basehan para mapawalang bisa ang kasal.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Antonio Kho Jr. ng Supreme Court’s Second Division, ipinawalang bisa nito ang kasal matapos mapatanuyang itinago ng asawang lalaki ang pagiging bading o homosexual nito sa kanyang napangasawa.

Base sa ibinahaging pahayag ng Korte Suprema, unang nagkita ang mag-asawa sa social media at sa first date pa lamang nila ay napansin agad ng babae na dumidistansya ang kasamang lalake.

Hindi rin daw tumabi sa kanya itong lalake at nang tanungin ng babae ay sinagot na nahihiya at kulang pa ang kanyang kumpyansa sa sarili.

Naging long-distance ang kanilang relasyon buhat ng mag-abroad ang lalake at matapos ang dalawang taon ay sila’y tuluyang nagpakasal.

Ngunit bagama’t kasal na, iwas pa rin ang lalake na maging ‘intimate’ ito na siyang pinagsisimulan din ng kanilang pag-aaway.

Kalaunan, ang naturang babae ay nakita pa ang mga magazines na pagmamay-ari ng lalaki at dito niya nadiskubre ang laman nitong mga larawan ng mga hubo’t hubad na mga lalaking model.

Nang kanyang komprontahin ang asawa, dito na inamin ng lalake ang kanyang tunay na kinikilalang kasarian na pagiging isang ‘homosexual’.

Kaya’t naghain ng annulment ang babae upang mapawalang bisa ang kasal na siyang kinatigan naman ng Korte Suprema.

Dito binigyang linaw ng kataas-taasang hukuman na ang pagsang-ayon ng babae para makasal ay nag-ugat sa panloloko ng lalake.

Bunsod nito’y basehan ng annulment ang panloloko o pagtatago ng tunay na ‘sexuality’ ng isang indibidwal sa kanyang makakaisang dibdib.