CHINA
Zhu Jun

Hindi pa rin umano susuko ang dating television intern sa China na naghain ng sexual harrasment case laban sa sikat na TV anchor.

Una rito ibinasura ng Beijing court ang high-profile sexual harassment case na inihain ng 28-anyos na si Ms Zhou Xiaoxuan, laban sa TV personality mula sa state broadcaster na CCTV na si Zhu Jun.

Ayon sa judgement ng Haidian People’s Court wala raw umanong sapat na ebidensiya na magpapatunay na merong naganap na sexual harassment.

Bago ito ibinulgar ni Ms. Zhou na noong 24-anyos lamang siya at intern sa China Central Television, hinawakan umano siya sa kanyang maselang parte ng katawan at sapilitang hinalikan ng kanilang anchor na si Zhu.

Ang naturang alegasyon ng intern ay umani ng malaking iskandalo sa China kaya nabuhay din doon ang “#MeToo movement.”

CHINA 1.1
Ms Zhou Xiaoxuan

Para naman sa intern pinanghihinaan na siya ng loob dahil hindi man lamang pinansin ng korte ang kanyang mga testimonya.

Samantala ang inakusahang TV anchor na 57-anyos na si Zhu ay isa ring actor at miyembro ng ilang sikat na organisasyon.