-- Advertisements --
Provincial bus 1

Nilinaw ngayon ng samahan ng mga bus operators na hindi pa papayagan ang pagbiyahe ng mga senior citizens at ang mga turistang gustong bumiyahe sa pagbubukas ng provincial bus operations sa Miyerkules.

Ayon kay Alex Yague, executive director ng Provincial Bus Operators Association (PBOA), hindi raw kasali ang non-essential travels sa pagbubukas ng operasyon ng mga bus sa ilang probinsiyang kalapit ng Metro Manila.

Maging ang mga senior citizens na sinasabing most vulnerable sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay hindi rin papayagang sumakay sa mga bibiyaheng bus pa-probinsiya.

Paliwanag ni Yague, ang mga nagtatrabaho lamang daw mula sa mga kalapit na probinsiya ng National Capital Region (NCR) ang papayagang bumiyahe.

Pero kailangan muna nilang kumuha ng health clearance mula sa kanilang local government units (LGUs) at ipakita ito sa PNP para mabigyan sila ng travel pass.

Ang travel pass naman at company ID ang ipapakita ng pasahero pagsakay ng bus para payagan silang makabiya.

Pero dapat ay nakasuot pa rin daw ng facemask at face shield ang isang pasahero at susunod sa health protocol bago pasakayin.