-- Advertisements --

Binuweltahan ni Senate blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon si Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay sa mga pahayag na wala raw nangyayari sa mga imbestigasyon ng Senado.

Ayon sa mambabatas, marami na silang naimbestigahan at pinakasuhan, mula sa mga nakaraang administrasyon.

Ilan aniya rito ang isyu ng Dengvaxia vaccines at NBN-ZTE deal.

Pero marami ring pinakasuhan ngayong Duterte administration, tulad nina dating PNP Chief Oscar Albayalde, mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC), Bureau of Immigration (BI).

Ang masaklap lang aniya ay may kinasuhan at ipinakulong sila, ngunit naitalaga pa rin sa ibang tanggapan ng gobyerno, kagaya ni dating Marine Capt. Nicanor Faeldon.

“Konting respeto rin naman po, we respect you. I respect you because you are the president of the Philippines. I always respect the title and the man,” wika ni Gordon.

Sinang-ayunan din nina Sens. Ping Lacson, Francis Pangilinan, Franklin Drilon at iba pang mga senador ang naturang pahayag ni Gordon.

Samantala, muli namang nagisa ang sinasabing opisyal ng PS DBM na si Usec. Christopher Lao na iniuugnay sa umano’y overpriced na pagbili ng mga face mask at face shields.

Inusisa kasi ni Sen. Pangilinan ang idinadahilan ni Lao na mahal talaga ang presyo ng nasabing mga produkto sa kasagsagan ng pandemya o noong Marso at Abril ng nakaraang taon.

Pero nang ikumpara ito sa binili ng Philippine Red Cross (PRC) sa kaparehong period, lumalabas na doble, triple at umabot pa raw sa limang ulit ang presyo ng mga binili ng PS DBM.