Naniniwala si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na hindi uusbong ang isang “ghost project” kung walang kooperasyon ng Commission on Audit (COA).
Ayon sa senador, dapat ipatawag sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga opisyal ng ahensya para magpaliwanag hinggil sa mga maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Kahapon, sa privilege speech ni Senador Ping Lacson, ibinahagi nito ang isang pie-sharing, o kung paano kinakatay ang pondo para sa flood control projects, kung saan nasa 0.5 to 1% ang napupunta sa Commission on Audit.
Inirekomenda rin ni Estrada na “heads must roll” o may dapat managot sa mga katiwaliang kinasasangkutan sa mga proyekto ng gobyerno.
Dagdag pa niya, posible rin umano na ilang empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kumukorner ng mga kontrata para sa isang proyekto.
Gayunpaman, nasa kamay pa rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung sisibakin o hindi si Secretary Manuel Bonoan.
Dahil, hindi rin isinasantabi ng senador ang posibilidad na hindi batid ng kalihim ang mga nangyayari sa ilalim ng kanyang pamunuan, gaya ng undersecretary, regional director, district engineer, at iba pa.