-- Advertisements --

Nais ipagbawal ni Senador Alan Peter Cayetano ang lahat ng uri ng advertisements, marketing, at promotion ng online gambling sa Pilipinas.

Inihain ng senador ang Anti-Online Gambling Advertisement Act of 2025 para maprotektahan ang publiko mula sa masamang epekto ng online gambling. 

Sa ilalim ng panukala, ipinagbabawal ang lahat ng uri ng online gambling ads sa TV, radyo, internet, social media, print, at mga outdoor platform, pati na rin ang sponsorship ng mga kumpanya sa sports, concerts, at cultural events.

Ang mga lisensyadong platform ay maaari lamang mag-advertise sa kanilang sariling website, kung aprubado ng Philippine Games and Amusement Corporation (PAGCOR), at dapat may babala tungkol sa age restriction at hindi dapat magpakita ng maling claims.

Iginiit ni Cayetano, na ang agresibong pag-promote nito, lalo na sa internet, ay nagbibigay ng maling impresyon sa taumbayan.

Dapat aniyang hindi ipinapahiwatig na normal lang ang sugal dahil nagdudulot ito ng adiksyon, pagkabaon sa utang, sira-sirang pamilya, at hindi maayos na mental health.

Dagdag niya, kailangan ang agarang aksyon dahil sa mabilis na paglago ng online gambling. 

Nitong 2024, higit kalahati ng kita ng PAGCOR  ay galing sa online gambling, na lumampas na sa kita ng tradisyonal na mga casino. 

Bago magsimula ang 20th Congress nitong buwan, nanawagan si Cayetano para mas pag-ibayuhin ang mga imbestigasyon sa industriya. 

Napansin ng senador na kahit aniya ipinagbawal na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), patuloy pa rin ang paglago ng online gambling sa bansa na mga Pilipino ang gumagamit.

Sa huli, nagbabala si Cayetano na ang mga lalabag ay maaaring makulong ng hanggang anim na taon o multahin na hanggang P5 milyon. Para sa mga korporasyon, pwedeng panagutin ang mga opisyal nito at bigyan ng maximum penalty.

Mas mabigat ang parusa sa mga opisyal ng gobyerno na maaaring matanggal sa trabaho at hindi na pwedeng maglingkod sa gobyerno.