-- Advertisements --

Hiniling ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pagtatatag ng isang centralized Emergency Response Department (ERD) sa gitna ng pananalasa ng Severe Tropical Storm “Opong” sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon sa state weather bureau, may banta ng storm surge na umaabot sa 1–3 metro sa CALABARZON, Mindoro, Bataan, Bulacan, Metro Manila, at ilang bahagi ng Palawan at Romblon.

Nagbabala rin ang ahensya sa malakas na ulan at hangin sa Hilagang Luzon, kabilang ang Cagayan, Babuyan Islands, Batanes, at Ilocos Region, na direktang tatamaan ng bagyo.

Ani Cayetano, mahirap ang kasalukuyang ad-hoc coordination ng 44 ahensya sa NDRRMC.

Sa ilalim ng panukala, pagsasamahin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC at ang Office of Civil Defense o OCD sa ilalim ng bagong departamento.

Ang ERD ang mangangasiwa hindi lang sa humanitarian assistance ng gobyerno tuwing may kalamidad, kundi pati na rin sa disaster risk reduction bago pa man ito mangyari, at sa rehabilitation efforts pagkatapos ng kalamidad. 

Kabilang din sa mandato ng ERD ang pagpapalakas at pagpapatakbo ng 911 Nationwide Emergency Hotline system.

Binigyang-diin ni Cayetano na kahit hindi maiiwasan ang mga kalamidad, ang tamang paghahanda at risk reduction ay makapagliligtas ng maraming buhay.