-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Matagumpay na naibalik sa lalawigan ng Aklan ang tatlong mangingisdang sina Cleomar Ibabao, Jayson Arcenio at Nelson Mateo na pawang mga residente ng Barangay Pusiw sa bayan ng Numancia, Aklan matapos mailigtas sa karagatang sakop ng Balud, Masbate.

Sila ay nailigtas ng mangingisdang si Ramil Bigcas ng Danao, Balud matapos ang pananalasa ng Bagyong Opong at pansamantalang inalagaan ng Philippine Coast Guard (PCG)-Balud bago ang kanilang pag-uwi na dumaan sa Roxas City port.

Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Balud at PCG Calumpang Sub-Station ang repatriation katuwang ang PCG Roxas City, PCG Aklan at iba pang ahensya.

Kaugnay nito, lubusang ikinatuwa at ipinagpasalamat ng mga kaanak ng mga mangingisda na nakaligtas ang mga ito sa panganib at kasalukuyang nasa maayos na kondisyon.

Ayon kay Mateo na kasalukuyang nagbabakasyon sa Aklan, hindi nila inasahan ang nasabing pangyayari na kung hindi nailigtas ng kapwa mangingisda ay baka kung anu na ang nangyari sa mga ito.

Bagama’t sanay na sa pagpapalaot ay nakaramdam pa rin sila ng kaba at takot lalo na nang hinampas ng malakas na alon ang kanilang bangka na naging dahilan ng pagkasira nito at na-trap sila sa gitna ng dagat.

Swerteng maituring ng mga mangingisda ang pagkaligtas sa kanila sa gitna ng kawalan at ligtas na nakabalik sa piling ng kanilang pamilya.