-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Bam Aquino ang Senado na magkasa ng malalimang imbestigasyon sa flood control projects ng gobyerno, kasunod ng matinding pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa ilang araw na walang patid na pag-ulan.

Ayon kay Aquino, kinakailangang pag-aralang mabuti kung epektibo nga ba ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa pagbaha—lalo na’t patuloy ang mga insidenteng ito sa kabila ng pagkakaloob ng bilyon-bilyong pisong pondo para tugunan ito.

Batay sa 2025 General Appropriations Act, humigit-kumulang ₱360 bilyon ang inilaan para sa mga flood control program sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensiya—halos 20% ng kabuuang P1.6 trilyong budget para sa imprastraktura.

Binigyang-diin ng senador na mahalagang matiyak na tama at epektibo ang paggamit ng pondo ng bayan at protektado ang mga komunidad laban sa lumalalang epekto ng climate change.

Giit ng mambabatas, flood control ang pangako pero flood out of control ang inabot ng taumbayan. 

Kinakailangan na mabusisi nang husto kung nagamit sa tama ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa flood control. 

Mainam din aniyang alamin kung epektibo pa ba ang mga plano a flood control o baka nagsasayang lang at napupunta sa wala ang pera mula sa buwis ng taumbayan.