-- Advertisements --

Pinagkukomento ngayon ng Kataastaasang Hukuman ang mga ‘respondents’ sa inihaing petisyon ni Atty. Romulo Macalintal patungkol sa postponement ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2025.

Sa ipinadalang mensahe ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, kanyang ibinahagi na inatasan ng Korte Suprema ang Senado, House of Representatives, Executive Secretary Lucas P. Bersamin, at Commission on Elections magkumento hinggil sa petisyon.

Ang naturang kautusan ng Korte Suprema ay kasunod sa isinagawang En Banc session nito kung saan tinalakay ang petisyong partikular sa G.R. No. E-02002.

Maaalalang inihain ni Atty. Romulo Macalintal ang naturang petisyon upang kwestyunin ang nilagdaang batas ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na sanhi upang hindi matuloy ngayong taon ang eleksyon o BSKE 2025.

Hiling niya sa kanyang petisyon na magawaran at pagbigyan ng Korte Suprema na mag-isyu ito ng Temporary Restraining Order o TRO para pigilan ang pagpapaliban sa eleksyon.

Binigyan ang mga respondents ng hindi tatagal sa sampung (10) araw upang ibahagi ang kanilang kumento sa Korte Suprema.