Walang plano si Senator-elect Robin Padilla na bitawan ang nais niyang Senate committee on constitutional amendments and revision of codes.
Ito ang sinabi ni Padilla sa kaniyang personal na pagtungo ngayong araw sa Senado upang maging pamilyar na sa magiging takbo ng mga trabaho.
Magsisimula ang panunungkulan ng dating aktor sa Hulyo 1, 2022 bilang ganap na mambabatas sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Inamin naman nitong hindi lamang ang paghawak ng posibleng pag-amyenda sa Konstitusyon ang kaniyang pinaghahandaan, kundi maging ang iba pang mga trabaho sa 19th Congress.
Bukas din daw siyang makipag-debate sa mga kapwa senador kung kinakailangan.
Pero gagawin umano nila ito sa pamamagitan ng paggamit ng salitang Filipino.
Giit niya, hindi naman mga Amerikano ang kaniyang makakadiskusyon kaya hindi nila kailangang gumamit ng English.
Nangako rin si Padilla sa mga bumoto sa kaniya na seseryosohin niya ang pagsusulong ng Federalismo, kung saan naniniwala raw siyang iyon ang rason kaya siya nanguna sa senatorial race ng 2022 elections.
Si Padilla ay kilala sa tawag na Binoy, sumikat sa ilang “bad boy roles,” action at minsan ay comedy.
Kapatid niya ang iba pang aktor na sina Rommel Padilla at Rustom Padilla o “Bb Gandanghari.”
Ang iba pa niyang kapatid ay nasa larangan din ng politika, tulad nina Camarines Norte Governor-elect Roger “Dong” Padilla at dating Rep. Roy Padilla Jr.
Ang kanilang ama kasi ay dati ring gobernador ng Camarines Norte na si Roy Padilla Sr.