-- Advertisements --

Nakarekober ng Philippine Coast Guard (PCG) ang debris ng rocket na may markang People’s Republic of China (PRC) sa baybayin ng Sitio Gunting, Barangay Bonbon, at Lubang, Looc, Occidental Mindoro noong Agosto 14, 2025.

Ayon sa ulat ng PCG, isang lokal na mangingisda ang nakakita ng lumulutang na debris at agad itong iniulat sa Philippine National Police-Maritime Group (PNP-MARIG).

Agad namang nagsagawa ng retrieval operation ang Coast Guard Sub-Station (CGSS) Lubang katuwang ang Barangay Binacas at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Lubang Sub-Office.

Ang nasabing debris, na pinaniniwalaang bahagi ng Long March 7A rocket launch ng PRC noong Hulyo 15–17, 2025, ay may sukat na 10 talampakan ang lapad at 14 talampakan ang haba, gawa sa alloy, at may watawat ng China.

Itinabi na ang debris sa Sitio Balaguin, Barangay Maliig para sa tamang pag-dispose.

Pinaalalahanan naman ng PCG ang mga mangingisda at residente sa baybayin na agad iulat sa pinakamalapit na Coast Guard station ang anumang kahina-hinalang bagay na makikita sa dagat.