Kinuwestiyon ni Sen. Raffy Tulfo kung bakit iisang contractor ng flood control projects ang na-blacklist gayong napakalawak ng umano’y anomalya sa mga naturang proyekto.
Inihalimbawa ng senador ang nakalkal na record ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 103 blacklisted companies o contractors.
Aniya, iisa lamang dito ang kumpirmadong contractor ng mga maanomalyang flood control project habang ang 102 ay pawang contractor ng iba pang public infrastructures sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sagot naman ni DPWH Sec. Manuel Bonoan, ang naturang datus ay kasalukuyan ngayong isinasailalim sa validation.
Paliwanag ng kalihim, basta’t walang derogatory record ang isang kumpaniya/contractor, pinapayagan pa rin silang makibahagi sa bidding process sa mga public infrastructure project ng pamahalaan.
Sa ganitong paraan aniya, nakikibahagi ang mga kumpaniya/contractor at nabibigyan ng pagkakataon para isumite ang kani-kanilang mga bid sa mga proyekto ng gobiyerno.
Gayonpaman, hindi pa rin kumbinsido si Sen. Tulfo.
Giit ng mambabatas, ang malinaw ay maraming empleyado ng DPWH na nagsisilbi rin bilang mga contractor, kaya’t marami sa kanila ang nakakalusot at nakakuha sa mga malalaking public infrastructure project ng gobiyerno na nagkakahalaga ng bilyong-bilyon.(Report by Bombo Jai)