-- Advertisements --

Hinimok ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III si Pang. Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng mga miyembro ng gabinete na walang political ambition.

Ito ay upang makapag-focus ang mga cabinet official sa kani-kanilang trabaho at matugunan ang anumang mga problema ng bansa.

Ayon kay Pimentel, kailangan ng pangulo ang mga taong kayang mag-focus para sa ikatatagumpay ng kaniyang administrasyon. Kailangan aniya ng mga episyente at epektibong opisyal na makakatulong sa mga Pilipino at hindi lamang pagtutuunan ang kani-kanilang sariling political ambition.

Giit pa ng senador, ang mga ‘non-political personalities’ ay magiging mas objective at scientific sa kanilang trabaho.

Ngayong araw, May 22 ay sunod-sunod na naghain ng courtesy resignation ang mga miyembro ng gabinete ni Pang. Marcos bilang tugon sa kaniyang naunang panawagan.

Sa resignation letter ng mga miyembro ng gabinete, iginigiit ng mga ito ang kanilang pagrespeto sa desisyon ng pangulo at sa kagustuhang magkaroon ng ‘realignment’ sa gobiyerno upang maabot at matugunan ang expectation ng publiko.

Una na ring sinabi ng pangulo sa isang panayam na masyado siyang mabait sa mga opisyal na nagtatrabaho sa ilalim niya, kaya’t mistulang hindi naaabot ng mga ito ang kani-kanilang mga inilatag na target.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang magiging desisyon ni Pang. Marcos sa lahat ng mga miyembro ng kaniyang gabinete na sunod-sunod na naghain ng kanilang courtesy resignation.