Isiniwalat ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na mayroon umanong alokasyong multi-bilyong halaga ng pork-barrel para sa ilang mga mambabatas.
Kung saan isa sa kongresista ay makakatanggap umano ng hanggang P15 billion.
Kaugnay nito, inihayag ng Senador na mayroon lamang P200 million na pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF) ang mga Senador habang P70 million naman sa mga miyembro ng House of Representatives bago ito ideklara ng Korte Suprema bilang unconstitutional o labag sa batas.
Subalit, pagkatapos aniyang ideklara itong unconstitutional, pumalo na ito sa P5 billion para sa mga Senador kung saan P10 billion sa iba habang P15 billion naman sa mga kongresista.
Inalala pa ng Senador na bago matapos ang kaniyang termino sa Senado noong 2022, sinabi ni Lacson na nagawa nila ni dating Senator Franklin Drilon na tanggalin mula sa bicameral committee report ang mga pondo para sa dredging at flood control projects na aniya’y puno’t dulo ng korupsiyon, subalit muli itong nagbabalik ngayon.
Samantala, plano naman ng Senador na bigyang linaw sa oras na mag-convene na ang 20th congress ang kaniyang initial findings mula sa pambansang pondo ngayong 2025.