Iginiit ni Sen. Bong Go na dapat manatili sa kulungan ang convicted murderer at rapist na si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
“Mr. Sanchez, ‘wag ka nang mangarap na makalaya pa. Ipagpatuloy mo na lang pagbayaran ang mga kasalanan mo dyan sa loob, kaysa lumabas ka, baka umikli pa ang iyong buhay,” ani Sen. Go.
Magugunitang 1995 nang sentensyahan ng korte ng pitong counts ng reclusion perpetua si Sanchez dahil sa pagpatay at panggagahasa kay Mary Eileen Sarmenta at pagpatay sa boyfriend nitong si Allan Gomez na kapwa estudiyante ng University of the Philippines – Los Baños.
Sinabi ni Sen. Go, kailangang pag-aralan ang kaso ni Sanchez at dapat matiyak na hindi siya makakalabas ng kulungan.
Ayon kay Sen. Go, gaya ng pahayag nina Justice Secretary Meynardo Guevarra at Bureau of Corrections (BuCor) director-general Nicanor Faeldon dapat magkaroon ng mahigpit na pagsusuri sa mga kaso ng mga inmates na pagkakalooban ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Una ng inihayag ni Sen. Go na nagalit din si Pangulong Rodrigo Duterte sa napabalitang posibleng paglaya ni Sanchez dahil sa GCTA.
“Dapat araling mabuti ang kaso niya. He did not apply for executive clemency. He is one of the names in the list of 10,000 inmates who may be benefited by RA 10592. However, this is not an automatic grant but will be subject to stringent evaluation as mentioned by SOJ (Secretary of Justice) and BuCor (head) Faeldon,” dagdag ni Sen. Go.