Nangako si Senate Finance Committee Chairperson Sen. Sherwin Gatchalian na hahabulin ang lahat ng mga public infrastructure project na nakapaloob sa 2026 proposed budget na pawang may multiple entries o may iba’t-ibang mga entry, gayong pare-pareho namang proyekto.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Philippines, tinukoy ni Gatchalian ang mahigit 40 proyekto na nakapaloob sa panukalang pondo na nahati-hati sa iba’t-ibang phase na mayroong halos tatlong bilyong piso na pondo.
Marami sa mga ito aniya ay may multiple entries mula pa noong mga nakalipas na taon kung saan ang isang proyekto ay lumabas sa panukalang pondo ng apat na beses.
Sa bawat pagkakataong lumalabas ang mga ito, mayroon din aniyang nakalaang pondo, na nagpapahiwatig na naabuso ang pondo sa loob ng ilang taon at nagamit sa iisang proyekto, ngunit wala namang maayos na output kung saan nagamit ang pondo.
Ayon kay Gatchalian, pipilitin ng Senado na linisin ang lahat ng mga public infrastructure project atbpang mga proyektong nakapaloob sa 2026 budget bago tuluyang pumasok sa bicameral conference committee.
Bagaman ilang araw na lamang bago ang bicameral conference committee sa kalagitnaan ng Nobiyembre, sinabi ni Gatchalian na pinamamadali na niyang matukoy ang lahat ng mga proyektong may multiple entries.
Ayon pa sa senador, inatasan na niya ang kaniyang mga kasamahan para mag-overtime sa paglilinis sa 2026 budget, bago pa man ang bicam.
















