Magpapatuloy ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na mahinang pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon dahil sa umiiral na Northeast Monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong araw ng Miyerkules, Marso 18, 2026.
Ayon sa weather bulletin ng state weather bureau, ‘wala silang minomonitor na low pressure area na maaaring maging bagyo sa kasalukuyan.
Inaasahan naman ang maulap na panahon na may kasamang mahinang ulan sa mga lugar ng Batanes, Cagayan, at Isabela dulot pa rin ng amihan.
Samantala, makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang ulan ang Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Central Luzon, at iba pang bahagi ng Cagayan Valley.
Sa natitirang bahagi ng bansa, asahan na raw ang bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan o thunderstorms, na dulot parin ng localized thunderstorms.
Pinapayuhan naman ang publiko na magdala ng payong o kapote lalo na sa mga lugar na maaaring makaranas ng biglaang pag-ulan.














