-- Advertisements --

Nagpasaklolo sa Korte Suprema si Senator Ronald ‘Bato” Dela Rosa para maglabas ng Temporary Restraining Order laban sa implementasyon ng arrest warrant na inilabas sa kaniya ng International Criminal Court (ICC).

Isinampa ng Senador ang manifestation bilang urgent sa SC.

Isa umano itong follow-up sa pending petition for certiorari and prohibition na inihain na rin niya at ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11, 2025 laban kay Executive Secretary Lucas Bersamin dahil sa pag-aresto at paglipat kay Duterte sa the Netherlands.

Hiniling din ni Dela Rosa sa SC na gumawa ng judicial notice sa pagsiwalat ni Ombudsman Jesus Remulla na mayroong warrant of arrest na mula sa ICC si Dela Rosa.

Kasama rin na hiniling ng senador na atasan ng SC si Remulla na ipakita at ilabas ang sinasabi niyang arrest warrant mula ICC na nasa kaniyang cellphone umano.

Magugunitang si Dela Rosa ay PNP chief noong panahon ni Duterte ng ipatupad ang malawakang war on drugs.