-- Advertisements --

Mananatili muna sa Manila Doctor’s Hospital si Sen. Leila de Lima para sumalang sa isang major surgery.

Ito’y makaraang payagan siya ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) sa hiling na medical furlough sa pagitan ng Hunyo 19 hanggang Hunyo 25, 2022 para sa procedure at hospital confinement.

Matatandaang Abril 5, 2022 nang na-diagnose si De Lima ng pelvic organ prolapse stage 3 at pinayuhang kaagad sumailalim sa vaginal hysterectomy.

Una nang inihayag ng manggagamot ni De Lima na si Dr. Errol Santelices, na kailangang ma-confine ng 120 araw para ma-evaluate ang kaniyang recovery at i-assess kung hindi pa apektado ng sakit ang kaniyang puso.

Dati na kasing nagkaroon ng hinihinalang mild stroke ang senadora noong Abril 2021.