-- Advertisements --

Nag-positibo na rin sa coronavirus disease (COVID1-19) si Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr.

“Nakakalungkot po na balita – I am COVID-19 positive,” ani Revilla sa isang online post.

Kung maalala, isang staff ng senador ang nag-positibo sa sakit at namatay noong Marso.

Bukod kay Revilla, sumailalim na rin daw sa test ang kanyang asawa na si Bacoor City, Cavite Mayor Lani Mercado at mga anak. Lahat sila ay negative.

“Kami ay nagpatest at nag-isolate agad matapos may mag-positive sa aming household at isa sa aking mga tauhan.”

Nitong Lunes pumunta pa ng Senado ang actor-turned-politician. Kinabukasan naman ay ginunita pa ng kanyang pamilya ang ika-40 araw ng pagkamatay ng kanyang ama na si dating Sen. Ramon Revilla Sr.

“Sa payo po ng aking doktor ay itutuloy ko ngayon ang aking quarantine, but will be under observation.”

Nanawagan ng dasal sa publiko ang mambabatas at umaasang gagaling siya sa sakit.

“Ngayon pa lang, salamat po sa inyong mga panalangin. Thank you for your prayers.”

Si Revilla ang ikaapat na senador na nag-positibo sa COVID-19. Dati na rin kasing tinamaan ng sakit sina Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri, Sen. Sonny Angara, at ang kontrobersyal na si Sen. Koko Pimentel.