Nakapagtala ang Police Regional Office-7 ng pinakamataas na pagbaba sa mga insidente sa 8 focus crimes sa buong bansa batay sa 25-day comparative data mula Marso 1-25 at Abril 1-25,2025.
Ito’y batay sa kamakailang natapos na national oversight committee meeting kasama ang 18 regional offices at national support units.
Kaugnay nito, naitala ang 38.67% na pagbaba na katumbas ng 87 na mas kaunting insidente.
Ang naturang datus ay higit pa sa ibang mga rehiyon kung saan pumangalawa ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na may 20.27% na pagbaba (74 insidente) at ang pumangatlo ay ang Police Regional Office-5 na may 27.65% na pagbaba (47 insidente).
Ipinapakita pa sa datus na nagkaroon ng malaking pagbaba sa halos lahat ng kategorya sa focus crimes sa Central Visayas.
Nagtala ng pinakamalaking pagbaba ang homicide sa 57.69%, sinundan ng robbery na may pagbaba ng 53.33%, panggagahasa sa 48.48%, at pagnanakaw sa 41.18%.
Samantala, pinuri naman ni Regional Director PBGEN Redrico Maranan ang mga tauhan nito sa kanilang mahusay na pagganap sa tungkulin at binigyang-diin na ang tagumpay ay resulta pa ng kanilang mas pinaigting na pagsusumikap laban sa kriminalidad.
Nanawagan naman si Maranan sa publiko na manatiling aktibong katuwang ng pulisya sa pagbuo ng mas ligtas na rehiyon.