-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na inaalis na nila bilang respondent at posibleng may kinalaman si Alvin Que sa pagdukot at pagpatay sa ama nito na Anson Que at sa driver nito na si Armanie Pabillo.

Ayon kay PRO III Director at PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, walang sapat at direktang mga ebidensya na maiprisinta ang suspek na si David Tan Liao na siyang nagdidiin sa anak ng biktima sa naging krimen.

Aniya, magsusumite ang PNP Anti-Kidnapping Group unit ng mosyon para amyendahan ang reklamo at alisin si Alvin Que sa listahan ng mga respondents ngayong Biyernes sa mismong tanggapan ng Department of Justice (DOJ).

Matatandaan kasing idinidiin ni Liao ang anak ng biktima na siya umanong nagutos para isagawa ang pagdukot at pagpatay sa sarili nitong ama.

Kalaunan tinawag naman ng PNP na maaaring isa lamang itong diversionary tactics ni Liao upang pagtakpan ang iba pa nitong kasamahan sa krimen.