Mahigit 180,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang ipapakalat sa iba’t ibang panig ng bansa upang tiyakin ang kapayapaan at magbigay ng tulong sa mga komyuter sa gaganaping nationwide transport strike ngayong Huwebes, Marso 19.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na ilalabas ng pambansang pulisya ang malaking bahagi ng kanilang pwersa bilang paghahanda sa malawakang kilos-protesta.
Bukod sa pagpapanatili ng kaayusan, bibigyang-prayoridad din ng pulisya ang pag-alalay sa mga pasaherong posibleng maapektuhan ng tigil-pasada.
Gagamitin ng PNP ang kanilang mga mobility assets upang magbigay ng alternatibong masasakyan sa publiko.
Ang hakbang ng pambansang pulisya ay tugon sa anunsyo ng transport group na PISTON noong Lunes.
Magkakasa umano ang grupo ng malawakang tigil-pasada upang ireklamo ang serye ng fuel price hikes na pinalala ng patuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, hindi lamang sa Kamaynilaan mararamdaman ang kanilang protesta.
Iginiit din ng lider-transportasyon na ang kilos-protesta ay panawagan ng sektor laban sa kasalukuyang administrasyon at pangingialam ng ibang bansa sa mga isyung nakaaapekto sa Pilipinas.















