-- Advertisements --

Tuluyan nang ibinasura ng korte sa Makati ang kaso laban sa “self-confessed” druglord na si Kerwin Espinosa.

Maliban kay Espinosa ay absuwelto rin ang iba pang kapwa niya akusado sa kaso na may kaugnayan sa umano’y kalakalan ng iligal na droga.

Sa 13-pahinang desisyon, kinatigan ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 64 ang “demurrer to evidence” na inihain ng kampo nina Espinosa, Lovely Impal, Wu Tuan Yuan at pagbasura sa motion to dismiss the demurrer to evidence na inihain ni Marcelo Adorco.

Nag-ugat ang kaso sa sinasabing sabwatan ng grupo ni Espinosa sa illegal drug trade.

Hindi rin kumbinsido ang korte sa testimonya ng mga pulis para patunayan ang alegasyon laban sa grupo ni Espinosa.

Una rito, kinasuhan ng Department of Justice (DoJ) sina Espinosa kaugnay sa umano’y illegal drug trade sa Eastern Visayas.

Si Espinosa ay anak ni dating Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr.

Ang dating alkalde ay nasawi sa loob ng kulungan noong 2016 matapos umanong manlaban sa mga pulis. 
 
Kasama ang nakatatandang Espinosa sa mga lokal na opisyal na nasa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang nakababatang Espinosa ay naaresto sa Abu Dhabi noong Nobyembre 2016.

Sinabi noon ng PNP-Anti Illegal Drugs Group (AIDG) na umamin mismo si Espinosa na sangkot ito sa kalakalan ng iligal na droga.