-- Advertisements --

Patuloy na umanong pinag-aaralan ng office of the prosecutor general ng Department of Justice (DoJ) sa posibleng kasong kaharapin ng self confessed drug lord na si Kerwin Espinosa matapos itong magbago ng pahayag  at bawiin ang unang alegasyon laban kay senador Leila de lima.

Sinabi ni Department of Justice (DoJ) Usec. Adrian Sugay na posibleng may pananagutang kriminal na kahaharapin si Espinosa dahil sa pabago-bago nitong pahayag.

Ayon kay Sugay, pareho kasing under oath o pinanumpaan ni espinosa ang una at bago nitong pahayag kaya possible aniyang mapanagot ito rito o makasuhan ng perjury.

Samantala, sinabi ni Sugay na nakay Espinosa na ang bola para patunayan niya ang kanyang mga sinabi.

Sa ngayon kinatigan ng DoJ ang nauna nang pahayag ng office of the prosecutor general na walang magiging epekto ang pagbawi ng pahayag ni Espinosa sa mga nakabinbing kasong criminal laban kay De Lima dahil una sa lahat ay hindi naman ito kasama sa mga  testigo. 

Aminado naman ang kampo ni De Lima na wala talagang epekto sa kinahaharap na illegal drug cases ng senadora sa pagbawi ni Kerwin ng kanyang pahayag.

Gayunman, sinabi ni Atty. Filibon Tacardon, abogado ng senadora na itinuturing nila itong eye opener ng iba pang tumestigo laban kay De Lima.

Dagdag ng abogado, inaasahan nilang tutularan ng iba pang testigo ang ginawa ni Espinosa na tumestigo laban din sa senadora.