CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng security cluster ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabibigo lamang ang mga pagtangka ng CPP-NPA-NDF na ito’y likidahin para mawala ang balakid nila na pabagsakin ang demokrasya sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr na matagal nang alam ni Duterte ang binabalak ni CPP founder Jose Maria Sison na patutumbahin ang top ranking government officials kaya hindi na bago ang pinakahuling nabulgar na plano ng liquidation squad laban sa pamahalaan.

Inihayag ni Esperon na hindi nila papayagan na maisakatuparan ang masamang plano ng mga komunista dahil isang malaking kaguluhan kung mangyari ito sa bansa.

Ginawa ng opisyal ang pahayag alinsunod sa ginawa na pagbanat nito na hindi tapat ang CPP-NPA-NDF sa isinusulong na unilateral ceasefire dahil sa dalawang magkahiwalay na pag-aatake na nangyari sa Bicol at Westernm Visayas Region sa state forces kahit mag-ilang araw pa lamang ang pagsisimula nito.

Si Esperon ay kabilang sa top government officials na nasa listahan ng mga rebelde na ipinag-utos na patayin kung makahanap umano ang mga ito ng pagkakataon.