-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na tumugma ang fingerprint na nakuha sa water bottle sa loob ng sasakyan ng pinaslang na TNVS driver na si Raymond Cabrera sa isa sa tatlong suspek na si Jin Armin De Ocampo.

Ayon sa awtopsiya, dalawang beses na sinaksak sa kaliwang dibdib si Cabrera sa Parañaque noong Mayo, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Maaalalang boluntaryong sumuko ang tatlong suspek, kabilang si De Ocampo, kay Manila Mayor Isko Moreno noong Hulyo 10, at agad silang itinurn-over sa NBI.

Pagkatapos nito, itinuro nila sa mga awtoridad ang kinaroroonan ng bangkay ng biktima.

Ayon kay Atty. Joseph Martin ng NBI, ang plano umano ng mga suspek ay ang pag-hijack sa TNVS vehicle, gamitin ito upang kumuha ng panibagong pasahero na maaari nilang holdapin. Pero hindi na umano nila natuloy ang plano matapos nilang mapatay ang driver.

Samantala, sinabi naman ni Dr. Romel Papa ng NBI Forensic Division na isinagawa rin ang DNA analysis sa loob ng sasakyan at sa mga kaanak ni Cabrera, kung saan lumabas na 99.99% match ito sa kanyang pamilya.

Ayon kay NBI spokesperson Ferdinand Lavin, nagsimula na ang preliminary investigation kaugnay sa kasong robbery with homicide para sa mga suspek.