-- Advertisements --

Inanunsyo ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson at Public Information Office (PIO) Chief PBGen. Randulf Tuano na ipinahinto na ang search and rescue operations sa Bogo City, Cebu dahil lahat ng mga naitalang missing person ay pawang mga accounted for na simula pa kagabi.

Ayon kay Tuano, ang naging paghahanap sa mga missing at mga injured individuals sa bahaging ito ng Cebu ay mabilis na natapos kagabi kaya naman konsentrasyon na sa ngayon ng Pambansang Pulisya ang relief at rehabilitation operations sa lugar.

Kasunod nito kinumpirma rin ni Tuano na mananatili sa full alert status ang antas ng alerto sa buong Pambansang Pulisya bilang bahagi pa rin ng kanilang pagtitiyak ng seguridad at kaligtasan sa Cebu.

Ilang mga aftershocks pa rin kasi ang patuloy na naitatala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa mga bahaging ito.

Naka-full alert status din ang Police Regional Office 7 na siyang kasalukuyan nang nasa lugar para magpatupad at tumulong sa mga otoridad at lokal na pamahalaan sa Cebu bilang karagdagang manpower sa lugar.

Samantala, tiniyak naman ng Pambansang Pulisya na kahit pa ilang mga estasyon at himpilan nila ang kabilang sa mga imprastrakturang napinsala ng lindol sa Visayas ay tuloy-tuloy lmang ang pagppatupad nila ng deployment at hindi aniya maaantala ang lahat ng kanilang operasyon.

Sa kasalukuyan naman pumalo na sa 73 ang naitalang nasawi dahil sa lindol habang nakapagtala naman ng aabot sa 300 ang sugatan sa insidente.

Patuloy ang ginagawang mga hakbang ngayon ng pamahalaan katuwang ang iba pang ahensya at ang PNP para makapagpaabot ng tulong sa mga apektadong residente sa rehiyon.