Kinumpirma ngayon ng Korte Suprema na pansamantala nilang isinara ang kataas-taasang hukuman ng limang araw dahil sa mga empleyadong nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Base sa Memorandum Circular No. 07-2020, na pirmado ni Supreme Court (SC) Chief Justice Diosdado Peralta, may mga nag-positibo raw kasing mga empleyado sa covid sa isinagawang rapid test.
Dahil dito, ipinag-utos na ng punong mahistrado ang disinfection, cleaning at sanitation ng iba’t ibang gusali at mga opisina sa high court para mapigilan ang pagkalat pa ng virus.
Nagsimula noong Sabado ang disinfection at matatapos ito bukas, Hulyo 22.
Suspendido naman ang pasok sa SC mula kahapon hanggang bukas.
Muli namang magsasagawa naman sa Hulyo 23 ang Korte Suprema ng covid rapid test para sa mga justices, officials at employees at service providers.
Tuloy pa rin naman ang signing ng Roll of Attorneys para sa mga 2019 Bar Passers hanggang Agosto 6.