-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkadismaya ang aktor na si John Arcilla matapos magamit ang kanyang video sa isang pekeng advertisement na hindi niya kailanman inendorso.

Sa opisyal niyang Facebook page, sinabi ng award-winning actor na ginamit ang kanyang video nang walang pahintulot upang mag-promote ng produkto, at nanawagan siya sa kanyang mga tagasuporta na i-report ang naturang account.

Ayon kay John, ginamit ang mga clips mula sa proyekto niyang BALDADO kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP), na ginanap sa Biñan Football Stadium noong Marso 1, 2025.

Ipinakita niya ang orihinal na link ng proyekto upang patunayang binago ang kanyang mga sinabi gamit ang Artificial Intelligence (AI).

Samantala nabura na ang nasabing Facebook page matapos ang pag-post ni John.

Binatikos din ni Arcilla ang mga grupong gumagamit ng social media at teknolohiya para sa pansariling interes.

‘This is how some Groups are abusing social media and new technologies for their personal gain,’ ani John Arcilla.