Sinimulan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang malawakang information drive ukol sa mga sunog na na idinudulot ng mga paputok.
Ito ay bahagi ng ‘Oplan Paalala: Iwas Paputok’ nationwide campaign ng BFP, sa hangaring mapababa ang mga nangyayaring sunog sa buong bansa, habang nasa kalagitnaan ng holiday.
Ayon kay BFP chief Jesus Fernandez, lumubo na sa 111 ang bilang ng mga naitalang sunog na dulot ng mga paputok at pyrotechnic devices – malayong mas mataas kumpara sa 31 na naitala sa kaparehong panahon noong 2024.
Malinaw aniya na kailangan ng malawakang information campaign upang maiwasan at tuluyang mapababa ang mga naturang uri ng sunog. Malaking tulong din ang agarang pagtugon ng publiko.
Simula December 23, itataas na ang full alert status sa BFP. Magtatagal ito hanggang January 1, 2026.
Ayon kay Fernandez, mahigit 31,000 BFP personnel ang magbabantay sa kabuuan nito at handang umalalay at rumesponde sa anumang emergency, lalo na ang mga insidente ng sunog.















