-- Advertisements --

Nagpasya ang Korte Suprema na maituturing na ill-gotten wealth at maaaring ma-forfeit o bawiin ang hindi maipaliwanag na yaman o ari-arian na nakuha ng opisyal sa panahon ng kanilang panunungkulan kahit na nakarehistro ang mga ito sa pangalan ng ibang indibidwal.

Sa isang desisyong isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao na isinapubliko ngayong Huwebes, Nobiyembre 20, ipinaliwanag ng Kataas-taasang hukuman na sa ilalim ng Republic Act No. 1379 o ang Forfeiture Law, “ang mga ari-arian ng mga pampublikong opisyal ay ipinapalagay na iligal na nakuha kapag ang mga ito ay halatang wala sa proporsyon ng kanilang legal na kita.”

“Nalalapat ang pagpapalagay na ito hindi lamang sa mga ari-arian sa ilalim ng pangalan ng pampublikong opisyal kundi pati na rin sa mga ari-ariang nakatago o inilipat sa iba, hangga’t ang tunay na pagmamay-ari ay matututunton sa pampublikong opisyal,” saad pa ng korte.

Ang mga paglilitis naman sa hindi maipaliwanag na yaman ay exempted sa bank secrecy laws kung subject sa forfeiture o pagbawi ang mga dineposito sa bangko.

Kasunod ng desisyong ito, tinutulan ng SC ang consolidated petitions na inihain ng mga tagapagmana ng pumanaw at retiradong comptroller ng AFP na si Lt.Gen.Jacinto Ligot.

“Nagsagawa ang Ombudsman ng isang lifestyle check para matukoy kung ang mga ari-arian na nakuha niya sa panahon ng aktibong serbisyo ay lumagpas sa kanyang suweldo at iba pang legal na kita.”

“Nakita sa pagsisiyasat sa mga idineklarang ari-arian ni General Ligot sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth mula 1982 hanggang 2003 na hindi ito sumasalamin sa mga aktwal na ari-arian sa ilalim ng kanyang pangalan at ng mga malapit niyang miyembro ng pamilya. Kaya naghain ang Ombudsman ng isang petition for forfeiture na inihain laban sa kanya sa Sandiganbayan. Pinangalanan din sa petisyon ang kanyang asawa, kanilang mga anak, at kanyang kapatid na babae at bayaw, na ginamit umano bilang mga front para itago ang kanyang ari-arian.”

“Napag-alaman ng Sandiganbayan na labag sa batas ang nakuhang ari-arian ni General Ligot at ipinag-utos nito ang forfeiture ng mga ari-arian na nagkakahalaga ng PHP 102 milyon at mga deposito at pondo sa pamumuhunan na nagkakahalaga ng PHP 53 milyon.”

“Pinagtibay ng Korte ang desisyon ng Sandiganbayan at binigyang-pansin na walang sariling pinagkukunan ng kita ang asawa at mga anak ni General Ligot pero nagmamay-ari pa rin ng mga ari-arian at may hawak silang malalaking bank at investment account sa ilalim ng kanilang mga pangalan.”

“Binayaran ni General Ligot ang mga condominium ang mga amortization nito kahit na may titulo sa pangalan ng kanyang kapatid. Ang condominium na nakalista sa ilalim ng pangalan ng kanyang bayaw ay unang binili ng asawa ni Heneral Ligot, na walang sariling kita.”

“Ayon sa Korte, lumalabas na si Heneral Ligot ang tunay na may-ari kahit pa nasa pangalan ng ibang tao ang mga legal na titulo.”