-- Advertisements --

Tinutukan ng Russian spy ship na Yantar ng lasers ang Royal Air Force na nagmamanman sa aktibidad nito malapit sa katubigan ng United Kingdom.

Ayon kay US Defense Secretary John Healey, seryosong inaaksyunan na ng gobyerno ng UK ang lubhang mapanganib na aktibidad ng Russian spy vessel.

Aniya, namataan ang spy ship sa hilaga ng Scotland at pumasok sa katubigan ng UK sa ikalawang pagkakataon ngayon taon.

Ipagpapatuloy naman ng UK ang pagmanman sa galaw ng Russian intelligence ship at ihahanda ang kanilang military options sakaling magbago ng direksiyon ang Yantar.

Nagbigay naman ng mensahe ang US defense chief sa Russia at kay President Vladimir Putin na alam nila kung ano ang pakay nila sa lugar at kung tutumbukin ng Yantar ang timog na direksiyon ngayong linggo, nakahanda umano sila.

Sa panig naman ng Russia, iginiit ng Russian Embassy na hindi sila interesado sa British underwater communications. Ang mga aksiyon umano ng kanilang bansa ay hindi nakakaapekto sa interest ng UK at hindi nila intensiyon na sirain ang seguridad.

Subalit, ang ginagawa umano ng UK na pagpapaigting pa ng “militaristic hysteria” at “Russophobic path” ay nagreresulta sa pagkasira ng seguridad sa Europa na nagbibigay daan sa panibagong mapanganib na sitwasyon kayat hinimok nito ang panig ng UK na itigil ang anumang mapanganib na mga hakbang na maaari umanong makapagpalala ng krisis sa Kontinente ng Europa.