Tinamaan ng drone strike ng Russia ang isang bus na may sakay na mga minero sa eastern Ukraine.
Nagresulta ito sa pagkasawi ng 12 minero na pauwi na noon galing sa trabaho sa may eastern Dnipropetrovsk region habang 15 iba pa ang napaulat na sugatan sa pag-atake.
Bago ito, may anim na kataong nasugatan nitong Linggo nang tamaan ng drone strike ang isang maternity hospital sa Zaporizhzhia.
Nauna ng sinabi ni US President Donald Trump noong Huwebes na pumayag si Russian President Vladimir Putin na itigil ang aerial attacks sa towns at cities kabilang na sa Kyiv sa gitna ng malamig na panahon. Subalit sinabi kalaunan ng Kremlin na nagpaso ang naturang kasunduan nitong Linggo.
Samantala, ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky, nakatakdang isagawa ang ikalawang yugto ng trilateral talks para waksan ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine sa araw ng Miyerkules at Huwebes sa halip na Linggo.
Aniya, ipinagpaliban ang paguusap sa United Arab Emirates sa pagitan ng mga opisyal ng Amerika, Russia at Ukraine dahil sa nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng US at Iran.
















