Binigyang diin ng Kataas-taasang Hukuman na walang nilabag ang kamara na karapatan sa malayang pamamahayag sa mga inimbitahan nitong ‘vloggers’ sa pagdinig ukol sa ‘fake news’.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, ibinasura ng Supreme Court En Banc ang petisyon nina Ernesto S. Abines Jr. at iba pa.
Kalakip sa kanilang petisyon ang kahilingan na pagbawalan ng Korte Suprema ang House of Representatives na atasan silang dumalo sa ‘legislative inquiries’ patungkol sa kanilang social media posts.
Maaalala sa dalawang ‘privilege speech’ ni Cong. Robert Ace Barbers na ang grupo’y nagpapakalat umano ng maling impormasyon online at organisado ang pag-atake laban sa ilang opisyal.
‘Paid trolls’ at ‘malicious vloggers’ aniya ito kung ituring kaya’y nais niyang kanilang harapin ang pananagutan at katarungan sa mga biktima ng ‘online harassment’.
Ang mga ‘petitioners’ ay inimbitahan dumalo na siyang nag-udyok sa kanila para kwestyunin ang ‘validity’ ng pagdinig ng mga kumite ng kamara.
Giit kasi nila sa Korte Suprema nilabag umano ang kanilang ‘rights to free speech’ at ipinahiya o ininsulto pa ng House Tri-Committee.
Naniniwala din sila na ang naturang pagdinig ay layon lamang sila’y patahimikin at lagyan ng regulasyon ang content sa social media na siyang nakakaapekto sa kanilang karapatan.
Ngunit ito’y hindi sinang-ayunan ng Korte Suprema at sinabing wala namang nilabag ang mga kumite sa karapatan na malayang pamamahayag ng mga vloggers.















