-- Advertisements --

Inihain ng Makabayan bloc ang panukalang batas na nagdi-diskwalipika sa mga government contractor na maging party list nominees.

Ito ay sa gitna ng mga alegasyong naguugnay sa isa sa kasalukuyang party list lawmaker at isang nagbitiw na party list representative sa umano’y mga anomaliya sa infrastructure projects sa gobyerno.

Sa ilalim ng House Bill 6193, walang indibidwal ang maaaring makwalipika bilang party list nominee na naging kontraktor sa anumang proyekto ng gobyerno kabilang na sa infra projects, ito man ay bilang isang indibidwal, incorporator, director, officer, o taong may kaugnayan sa isang korporasyon na naging kontraktor .

Ipinagbabawal din sa panukalang batas ang mga dating nagsilbing Bise Alkalde, Bise Gobernardor, Gobernador, Kongresista, Senador, Bise Presidente at Presidente na ni-nominate ng party list groups bilang kanilang kinatawan sa Kongreso.

Saklaw din dito ang mga indibidwal na may kaugnayan sa kasalukuyang mga opisyal ng gobyerno hanggang sa 4th degree of consanguinity, ang mga nagsilbing bureau chief hanggang sa anumang posisyon sa Gabinete sa loob ng limang taon, dating provincial police directors, Armed Forces batallion commanders o anumang mataas na posisyon sa loob ng limang taon gayundin ang mga indibidwal na ang income ay mahigit pa sa base pay ng party list representative sa Mababang Kapulungan.

Iminamandato rin ng panukala na ang mga nominee ay dapat na kabilang sa marginalized at underrepresented sector.