Mariing kinondena ng Makabayan bloc sa Kongreso ang pagtanggi ng mayorya sa panukalang alisin o amyendahan ang pondo para sa Unprogrammed Appropriations (UA) isang hakbang na, ayon sa kanila, ay nagsusulong ng katiwalian at nagpapanatili ng sistemang bukas sa pang-aabuso.
Bumoto ng YES si Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at ang buong Makabayan bloc upang tuluyang alisin ang pondo para sa Unprogrammed Appropriations. Matapos tanggihan ito ng mayorya, nagpanukala si Rep. Tinio ng mga mahahalagang amyenda upang pigilan ang hayagang pang-aabuso sa pondo, ngunit maging ang mga panukalang ito ay tinanggihan pa rin ng supermajority.
Sinabi ni Tinio na ang pagtanggi ng mayorya sa mga simpleng mekanismo ng pananagutan ay malinaw na indikasyon na nais nilang panatilihin ang Unprogrammed Appropriations bilang pondo para sa korapsyon.
Mga Amyendang Tinanggihan ng Mayorya: Una, Ibalik ang orihinal na probisyon na nangangailangan ng pag-apruba ng Pangulo bago ma-release ang Unprogrammed Appropriations isang pananggalang na tinanggal umano upang hindi madawit ang Pangulo sa iskandalo ng korapsyon sa flood control project at iba pang abuso sa UA; Pangalawa, Tanggalin ang labis na kapangyarihan ng Department of Budget and Management (DBM) na mag-realign o baguhin ang pondo para sa kahit anong layunin sa ilalim ng UA nang walang sapat na kontrol.
Binanggit din ni Kabataan Rep. Renee Louise Co ang epekto nito sa karaniwang mamamayan ay hirap sa taumbayan dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.
Nagpahayag din ang Makabayan ng pagsuporta sa pagbawas ng pondo ng Office of the Vice President (OVP) bilang bahagi ng kanilang paninindigan para sa fiscal responsibility at accountability sa lahat ng sangay ng gobyerno.
Ang Unprogrammed Appropriations, na umaabot sa bilyong piso, ay matagal nang ginagamit bilang discretionary fund na bukas sa korapsyon at pamumulitika. Kung walang sapat na pananggalang, nagiging kasangkapan ito ng pansariling pagpapayaman sa halip na tunay na paglilingkod sa bayan.
Nanawagan ang Makabayan bloc sa taumbayan na bantayan at tandaan kung paano bumoto ang kanilang mga kinatawan sa mahahalagang amyendang ito. Ang pagtanggi sa mga simpleng panukala para sa pananagutan ay hindi lamang pagkatalo sa lehislatura ito ay pagkakanulo sa tiwala ng publiko at pagbibigay-daan sa tuluy-tuloy na korapsyon.