-- Advertisements --

Iginiit ng Makabayan bloc na dapat imbestigahan sina Executive Secretary Lucas Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman kaugnay ng umano’y budget insertion mess kasunod ng pagbanggit sa kanila ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Giit ng mga kongresista, hindi sapat ang pagbibitiw ng dalawang opisyal at dapat silang papanagutin sa batas.

Ayon sa Makabayan, dapat ding masama sa imbestigasyon sina Presidential Legislative Liaison Office Undersecretary Adrian Bersamin, DepEd Undersecretary Trygve Olaivar, at DOJ Undersecretary Jose Cadiz Jr.

Giit din ng mga mambabatas na dapat ding imbestigahan mismo si Pangulong Marcos Jr., lalo’t ang nagbitiw na executive secretary ay “alter ego” niya.

Nauna na ngang tinanggap ng Pangulo ang pagbibitiw nina Bersamin at Pangandaman bilang delicadeza sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects. Itinalaga si Finance Secretary Ralph Recto bilang bagong executive secretary, habang si Budget Undersecretary Rolando Toledo ang magiging OIC ng DBM.

Nag-ugat ang isyu sa budget insertions sa inilabas na video statement ni Co kung saan ibinunyag niyang ipinag-utos umano ng Pangulo ang pagsingit ng P100 bilyong halaga sa 2025 national budget at nakatanggap pa umano ng kickbacks.