-- Advertisements --

Nilinaw ng Korte Suprema na ang bayad-pinsala (just compensation) sa mga kaso ng pagkuha ng lupa (land expropriation) ay dapat nakabatay hindi lamang sa halaga ng lupa sa merkado (market value).

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan, ipinabalik ng Korte Suprema sa Regional Trial Court ang kaso sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay at Arellano University.

Layunin nito na muling suriin ang halaga ng bayad na dapat ibigay sa unibersidad.

Nag-ugat ang kaso nang gamitin ng Pasay LGU ang 805-square-meter na lupa ng Arellano University sa Barangay San Isidro bilang isang pampublikong kalsada (na tinatawag ngayong Menlo Street) nang walang tamang proseso ng pagkuha at pagbabayad.

Ayon sa Korte Suprema, hindi sapat na ibatay lamang ang bayad sa 1978 assessment ng City Assessor. Dapat isaalang-alang ng mga korte ang lahat ng mga pangyayari, tulad ng zonal valuation ng BIR, lokasyon, laki, uri ng lupa, at kasalukuyang halaga ng mga katulad na ari-arian.

Dagdag pa ng Korte, kahit na maaaring gamitin ang tax assessment bilang gabay, hindi ito maaaring maging tanging batayan sa pagtukoy ng makatarungang kabayaran.

Pinagtibay rin ng Korte Suprema ang paggamit ng 6% taunang interes, batay sa rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa desisyong ito, muling binigyang-diin ng Korte Suprema na ang hustisya sa mga kaso ng pagkuha ng lupa ay dapat kumpleto, makatotohanan, at patas para sa mga mamamayan at para sa estado.