-- Advertisements --

Nagbabala ang Saudi Arabia sa Iran na seryosohin ang alok ni U.S. President Donald Trump para sa isang nuclear deal kung saan umano pinakamainam na paraan para maiwasan ang posibleng digmaan laban sa Israel.

Binigyang-diin ni Prince Khalid bin Salman na limitado lamang ang pasensya ni Trump sa mahahabang negosasyon at maaaring magsara ang pinto para sa diplomasya.

Nababahala rin ang Saudi sa posibleng paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan, na dati nang pinahina ng mga digmaan sa Gaza at Lebanon.

Nabatid na pinaplanong makipag-usap ng Estados Unidos sa Iran, kung saan layong bawasan ang uranium enrichment ng Iran kapalit ng pag-alis ng economic sanctions laban sa bansa.

Gayunpaman, ayon sa mga opisyal ng Iran, bagamat nais nilang magkaroon ng kasunduan, hindi sila papayag na isuko ang kanilang programa sa uranium enrichment.

Nangako naman si Prince Khalid na hindi papayagan ng Saudi Arabia na gamitin ng U.S. o Israel ang teritoryo nito para sa anumang opensibang militar laban sa Iran. Gayunman, hinimok niya ang Iran na iwasan ang anumang hakbang o aksyon ng mga kaalyado nito na maaaring magpagalit sa Washington.