Sasampahan muli ng kasong kidnapping ng Philippine National Police (PNP) ang grupo ni Satur Ocampo dahil sa pagtangay ng 14 na mga menor de edad mula sa Salugpungan School sa Davao del Norte.

Nilinaw ni PNP chief  Dir. Gen. Oscar Albayalde na hindi dinismis ng piskal ang kasong kidnapping na isinampa ng Talaingod PNP kundi hindi lamang ito tinanggap.

Kaya ngayon aniya ay ire-refile ng PNP ang kaso kasama ang pormal na reklamo ng ilang mga magulang ng bata na tinangay umano ng grupo ni Ocampo.

Kasabay nito, mariing itinanggi ni Albayalde na nag-iimbento lang sila ng kaso laban kay Ocampo.

Hindi aniya maaring magsasampa ng kung anu-anong kaso ang PNP laban kanino man nang walang lehitimong complainant.