Maaaring ilipat ang government contractor na si Sarah Discaya sa National Bureau of Investigation (NBI) detention facility sa New Bilibid Prison, partikular sa Building 14 ng Maximum Security Compound sa Muntinlupa City.
Ito ay kung maaprubahan ang request ng kanyang kampo para sa transfer, ayon kay NBI Director Angelito Magno. .
Ang naturang pasilidad ay may 29 selda, tig-8 square meters bawat isa, at naa-access lamang sa NBP main road malapit sa Bureau of Corrections Museum.
Sa ngayon, nakakulong si Discaya, kasama ang walong kapwa niya akusado sa Lapu-Lapu City Jail sa Cebu sa kasong graft at malversation of public funds.
Nauna nang naghain ang kanyang kampo ng mosyon para mailagay siya sa kustodiya ng NBI, ngunit wala pa umanong court order.
Inaresto si Discaya noong Disyembre 18 kaugnay ng umano’y P96.5-milyong “ghost” flood control project sa Davao Occidental.














