CEBU CITY – Kinumpirma ngayon ni Argao Mayor Allan Sesaldo na pumanaw na ang isang buwang sanggol na nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nagmula ang sanggol sa bukiring bahagi ng nasabing bayan sa Sitio Sutil, Brgy. Tulang.

Sinasabing may ubo at nahihirapang huminga ang bata kaya agad itong dinala sa hospital sa Sibonga pero ini-refer naman ito sa Talisay District Hospital.

Mula sa Talisay, inilipat na naman ito sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC).

Nitong Biyernes, pumanaw na ang nasabing sanggol at kinakailangan naman itong i-cremate dahil hindi pwedeng iuwi ang bangkay nito.

Inako naman ng local government unit (LGU) ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing sa bata.

Nagsagawa na rin ng contact tracing at naka isolate na ngayon ang pamilya ng namatay habang isinailalim na sa lockdown ang nasabing sitio.

Umaasa naman si Sesaldo na manatiling alerto ang kanyang nasasakupan.