-- Advertisements --

Pinuri ni House Ways and Means Chair at Albay Representative Joey Salceda ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipagpatuloy ang reclamation projects sa Pasay City.

Kabilang sa mga reclamation projects na ito ay ang kilalang Pasay 265, sa ilalim ng Pasay Harbor Corporation at Pasay 360 sa ilalim ng SM Smart City Infrastructure and Development Corporation.

Sinabi ni Salceda na nagpapasalamat siya kay Pang. Marcos dahil nakita nito ang ginagawang pagta trabaho ng Committee on Ways and Means kung saan binigyang-diin nito ang makukuhang revenue ng gobyerno at ang economic implications kapag patuloy na suspindihin ang proyekto.

Ayon kay Salceda, sa kanilang mga pagdinig, kanilang tinukoy na ang Pasay City ay may ipinatutupad na mga hakbang at sinisiguro ang responsible reclamation kung saan mayruon itong flood protection.

Batay sa pagtaya sa dalawang proyekto, nasa P563 billion ang real estate assets ng gobyerno.

Inihayag pa ng Kongresista na ang makukuhang revenue ng gobyerno sa mga reclamation projects at magagamit para mapondohan ang mga proyekto partikular ang housing projects ng Pang. Marcos.

Umaasa din si Salceda na matutuloy na rin ang 318-hectare Manila Waterfront City Development Project na fully compliant sa DENR requirements.

Nilinaw din sa pagdinig ng Komite na hindi tutol ang Manila City sa reclamation projects, maging ang pangamba ng US Embassy ay nabigyang linaw din at hindi sila tutol sa proyekto.

Ang aksyon ng Pangulo ay sumasalamin na ang paninindigan ng gobyerno sa reclamation ay magiging rules-based, data-driven, at evidence-based.

” I also emphasized that, if there are national security concerns, they should properly be channeled in the Interagency Investment Promotion Coordination Committee established under the Foreign Investment Act amendments, so that they could be heard and formally resolved,” pahayag ni Salceda.