May “word war” sa pagitan nina Senador Jinggoy Estrada at Bicol Saro representative at InfraCom Lead Chairman Terry Ridon kaugnay sa kontrobersyal na resource person sa flood control corruption probe na si Engr. Brice Erickson Hernandez.
Si Hernandez ay dating assistant district engineer ng DPWH-Bulacan, ang nagbunyag sa House hearing ng umano’y “kickback scheme” na kinasasangkutan ng ilang mambabatas, kabilang sina Sen. Estrada at Sen. Joel Villanueva.
Ayon sa kanya, may “commitment” umano ang mga senador na tumanggap ng 30% mula sa halos P1 bilyong halaga ng flood control projects.
Bilang tugon, naglabas si Estrada ng mga lumang larawan nina Ridon at Hernandez mula sa yearbook, na tila nagpapahiwatig ng koneksyon sa pagitan ng dalawa.
Tinuligsa rin niya ang kredibilidad ni Hernandez at hinamon ito sa isang lie detector test.
Hindi naman nagpatinag si Ridon, at mariing itinanggi ang anumang kaugnayan kay Hernandez.
Aniya, hindi niya ito naging kaklase at hindi niya ito maalala.
Pinuna rin niya si Estrada sa paglalathala ng address ng kaniyang lola, na tinawag niyang paglabag sa privacy.
Tinag pa niya ang National Privacy Commission sa kaniyang post.
Samantala, si Hernandez ay kasalukuyang nakakulong sa Pasay City Jail matapos ma-cite in contempt ng Senado.
Nanawagan si Ridon na ibalik ito sa Senate custody bilang resource person, hindi bilang akusado.
Patuloy ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects, habang tumitindi ang palitan ng akusasyon sa pagitan ng mga sangkot na personalidad.