Dapat umanong lakihan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang sinasagot nitong bayarin ng mga pasyente sa pribadong ospital, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ayon kay Speaker Romualdez nais nitong pulungin ang mga opisyal ng PhilHealth at ng Department of Health (DoH) upang talakayin kung papaano mapalalawak ang mga benepisyo ng mga miyembro, kabilang na ang pagtaas ng saklaw na bayarin sa mga pribadong ospital.
Ayon pa sa pinuno ng Kamara pangunahing inirereklamo ng mga pasyente lalo na ng mga mahihirap na umaabot lamang sa 15% hanggang 20% ang sinasagot ng PhilHeath sa hospital bills.
Batay sa natanggap na reklamo ni Speaker Romualdez, 30% lamang ng bayarin ang sinasakop na subsidiya ng PhilHealth sa mga pasyenteng nasa pribadong ospital kabilang na ang professional fees ng mga doktor at espesyalita.
Ayon sa mambabatas nais niyang malaman sa mga opisyal ng Philhealth kung magkano ang dapat na matanggap ng mga miyembro na naka-admit sa pribadong ospital.
Sinang-ayunan din Dr. Jose Degrano, pangulo ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP), ang mungkahi Speaker Romualdez.
Ayon kay Degrano, napakalaking tulong sa publiko kung maisasakatuparan ang pagpapalawak ng saklaw ng Philhealth sa mga bayarin, lalo’t marami ang mahihirap na naa-admit sa payward dahil naubusan na ng ‘beds’ sa charity ward.
Sinabi ni Speaker Romualdez na bilang pinuno ng Kamara ay maghahanap ito ng solusyon upang matugunan ang mga reklamo.
Siniguro naman ni Speaker na maghahanap sila ng solusyon kung papaano magawan na paraan ang kahilingan ng taumbayan na hindi na dadaan sa paggawa pa ng batas dahil medyo matagal ito.