Patay ang isang miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) habang dalawa ang sugatan sa isinagawang law enforcement operation laban sa isang most wanted person sa Lanao del Norte kahapon ng madaling araw.

Sa report na inilabas ng PNP-SAF nagsagawa ng joint operation ang 12 Special Action Company (12SAC) bilang main tactical support elements kasama ang ilang mga PNP units para isilbi ang warrant of arrest laban sa isang Naen Ampatuan Tumog sa Barangay Rebucon, Nunungan, Lanao del Norte.

Ang suspek na si Tumog ay nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013.”

Pero bago pa man makalapit ang mga pulis, pina-ulanan na sila ng bala ng suspek dahilan para mag retaliate ang mga ito.
Umigting ang ilang minutong sagupaan na ikinasawi ni Pat.Jan Oliver Rodriguez habang dalawa ang sugatan na nakilalang sina PCpl. Michael Aidan Troy Abella at Pat Cris Daryl Dolo.

Narekober naman ng mga otoridad sa posisyon ng suspek ang mga sumusunod: 1 M16 rifle (Colt); 2 long steel M16 Magazines; 2 long plastic M16 magazines; 5 pcs ng caliber 5.56 empty shells; identification card; 129 rounds of live caliber 5.56 live ammunition; at 1 bandolier.

” Indeed, evil will triumph when good men do nothing. The SAF shall remember the heroism of Pat Rodriguez serving the ultimate sacrifice por la patria because time may pass, and memories may fade but a brother’s heart will never forget. We salute you as one of the new heroes of today,” pahayag ng PNP SAF.