Nanindigan si Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na kanilang itutuloy ang pagsampa ng kaso laban sa Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy.
Sinabi ng kalihim na sumulat sa kaniya ang Russian vlogger habang ito ay nasa loob ng piitan kungsaan nakikiusap na kung maari ay iatras na ang kaso.
Nakasaad pa sa sulat na dumaranas umano ito ng mental health issues kaya mararapat na ito ay mapalaya.
Giit ni Remulla na hindi dapat palagpasin ang mga ginawa ng Russian vlogger.
Sa susunod aniya na linggo ay kanilang isasampa ang kasong unjust vexation laban kay Zdorovetskiy dahil sa pang-haharras sa tatlong security guards.
Tinangka umano rin ng abogado ni Zdorovetskiy na aregluhin ang mga nagrereklamong security guards.
Una ng ibinasura ng Prosecutors’ Office ng Taguig ang kasong theft dahil sa walang sapat na ebidensiya at ang tanging nakikita lamang nila na kaso ay ang unjust vexation.
Inireklamo ang Russian vloggers dahil sa ginagawa nitong pambabastos sa mga guwardiya ng mall at ilang establishimento doon.
Maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr ay hindi natuwa sa mga pinaggagawa ng Russian vlogger at hinikayat ang otoridad na kasuhan ito.